Kaisa ng sambayanang Pilipino ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtatakwil sa mga iligal, marahas, at mapanlinlang na hakbang ng China sa teritoryo at maritime domain ng Pilipinas.
Ito ang tugon ng AFP makaraang ilabas ng OCTA ang pinakabagong “Tugon ng Masa” survey na nagsasabing 64% ng mga Pilipino ang hindi nagtitiwala sa China.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, retired RAdm. Roy Vincent Trinidad, nangangahulugan ito na batid pa rin ng mga Pilipino ang peligrong sinusuong ng bawat sundalo para harapin ang panggigipit ng PLA Navy, China Coast Guard, at maritime militia.
Ito aniya ang bunga ng kanilang iligal, marahas, at mapanlinlang na mga taktika na siyang nagpapatatag naman sa suporta ng mga Pilipino sa AFP na tumututok sa mandato na ipagtanggol ang bansa.
Dahil dito, magsisilbi itong inspirasyon sa AFP upang ipagtanggol ang soberanya, tiyaking ligtas ang mga mangingisda, at hindi pasisiil sa mga nagtatangkang manakop sa bansa.