“WALANG HIYA TALAGA!”
Ganito na lamang inilabas ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kaniyang galit at pagkadismaya sa Chinese Communist Party (CCP).
Ito’y makaraang isisi ng China ang ginagawa umanong konstruksyon sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang mitsa ng nangyaring tensyon sa pagitan ng Philippine Navy at China Coast Guard nitong Lunes.
Idinagdag pa ng China na paglabag umano ito sa anila’y provisional understanding o kasunduan sa pagitan nila at ng Pilipinas noong 2024.
Sa panayam kay Teodoro, iginiit nito na wala siyang alam sa naturang kasunduan at hindi niya maaaring kumpirmahin o itanggi iyon dahil mismong ang China ang nagsusubo nito sa Pilipinas.
Puro na lamang pang-iimbento ng mga kuwento ani Teodoro ang ginagawa ng China upang tuluyang makontrol ang kabuuan ng karagatang kanilang inaangkin.