Photo courtesy of NCCA
Mula sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), muling bibigyang-pugay ang talento ng mga lokal na mang-aawit at kompositor sa pagdiriwang ng Linggo ng Musikang Pilipino sa huling linggo ng Hulyo.
Ang taunang selebrasyong ito ay ginaganap tuwing huling linggo ng Hulyo sa bisa ng Proclamation No. 933 na nilagdaan noong 2014 upang protektahan, itaguyod, at bigyang-halaga ang industriya ng musikang gawa ng mga Pilipino.
Bitbit ang temang “Pinoy Coded,” layunin ng selebrasyon na kilalanin ang kulturang Pilipino gamit ang musika habang sinasabayan ang makabagong takbo at panlasa ng mga nakababatang henerasyon.
Ayon kay Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) President Ogie Alcasid, ang konseptong “Pinoy Coded” ay hango sa mga modernong internet trends upang mas mapalapit ang tradisyunal at makabagong musikang Pilipino sa mga kabataang tagapakinig.
Gaganapin ang mga serye ng aktibidad mula Hulyo 28 hanggang Agosto 1, 2026 sa mga sumusunod na pangunahing lokasyon: Centro de Turismo sa Intramuros, The Metropolitan Theater, at iba’t ibang pampublikong espasyo para sa mga konsiyerto, talakayang pang-industriya, at pagtatampok ng mga bagong likhang awitin.

Bukod sa Kalakhang Maynila, pinalawak ng OPM ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mga organizer sa Baguio, Palawan, at Iloilo.
Sentro ng selebrasyon ngayong taon ang temang “Musika at Himig Natin: Tradisyon, Industriya at Bagong Tinig”. Layunin nitong pag-isahin ang yaman ng mga katutubong tradisyon, ang paglago ng lokal na industriya, at ang pagsibol ng mga bagong talento sa makabagong henerasyon.
Isang buwang serye ng mga konsiyerto ang inilatag sa iba’t ibang dako ng bansa kung saan magtatanghal ang mga lokal na artista ng kanilang mga orihinal na kanta at mga klasikong himig.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, inaanyayahan ang buong sambayanan na makinig, tumangkilik, at muling itampok ang musika at himig na tunay na sumasalamin sa kulturang Pilipino.