Mayorya ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat ibatay sa batas at ebidensiya ang magiging desisyon ng senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research.
Sa naturang survey, 71% ng mga respondent ang nagsabing dapat ang batas at mga ebidensiya ang magdikta sa pasya ng Senado sa impeachment, habang 21% naman ang nagsabing dapat manaig ang politika.
Ayon sa OCTA, ipinapakita ng resulta ng survey na mataas ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa due process at inaasahan nilang gampanan ng mga senador ang kanilang tungkulin nang patas at walang kinikilingan.
Makikita rin sa survey na sa lahat ng pangunahing rehiyon ng bansa, mas pinipili ng mga respondent na batas at ebidensiya ang maging batayan ng desisyon. Pinakamataas ang porsiyento sa National Capital Region na may 77%, sinundan ng Balance Luzon na may 76%, habang 63% sa Visayas at 62% sa Mindanao.
Isinagawa ang survey mula July 4–11, 2026, kasabay ng pagsisimula ng impeachment proceedings sa Senado.
Nilinaw naman ng OCTA na hindi sinusukat ng survey kung pabor ang publiko sa conviction o acquittal ni Vice President Duterte.
