Nararamdaman na ng mga magsasaka mula sa bayan ng Bula at Minalabac, Camarines Sur ang ginhawa at tulong ng Solar-Powered Irrigation Project (SPIP) mula sa National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay Engr. Eduardo Balondo, Chief, Operations and Maintenance ng NIA Bicol, simula nang maging operational ang mga SPIP sa New Mataoroc, San Jose, Sagrada Familia at Baliuag Viejo Multi-Purpose Cooperative (New MASSBA MPC) sa Minalabac at San Agustin, San Ramon Agrarian Reform Farmers Cooperative (SARFC) sa Bula, halos zero-billing na aniya ang singil sa kuryente ng mga ito.
Sa tulong din aniya ng tuloy-tuloy na patubig dahil sa nasabing proyekto, tumaas din ang ani ng mga magsasaka.
Samantala, nagpasalamat si New MASSBA MPC Chairman Jesus Privaldos kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, sa NIA at sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa naigawad na proyektong ito. Kung dati aniya umaabot ng halos kalahating milyong piso ang kanilang singil sa koryente, ngunit sa tulong ng solar-powered pump irrigation project, mahigit sa P1,000 na lamang ang kanilang binabayaran sa kuryente.
Magugunitang mismong si Pangulong Marcos Jr., kasama si NIA Administrator Engr. Eddie Guillen ang nanguna sa pag-inspeksyon sa Solar-Powered Irrigation Project sa Minalabac at Bula, Camarines Sur noong Marso 2026, sa tulong ng proyekto tinatayang nasa 1,854 magsasaka mula sa lalawigan ang nabebenepisyuhan nito.