Nabahala at naaalarma ang House Prosecution Team kaugnay ng isang video na ipinost ni Senator-Judge Pia Cayetano sa social media hinggil sa isinagawang oral arguments sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang naturang oral arguments ay pinangunahan ni House Prosecutor Chel Diokno bilang bahagi ng panawagan ng prosekusyon na magpalabas ng subpoena para sa bank at tax records ng Bise Presidente.
Nakakuha ng pambabatikos mula sa mga netizen ang post ni Cayetano na may caption na, “Nagbabakasali lang? Walang mga ebidensya pero nag-aakusa na!” matapos umanong mag-post ng video na ayon sa mga kritiko ay ginupit o “spliced.”
Sa isang press conference, ipinaliwanag ni Atty. Benjamin Tolosa Jr., legal spokesperson ng prosekusyon, na may seryosong implikasyon ang mga ganitong usapin. Aniya, mahalagang maging tumpak (accurate) ang impormasyong nakararating sa publiko upang maiwasan ang maling impresyon ukol sa tunay na nangyari sa paglilitis.
Dagdag pa ni Tolosa, ang mas nakakabahala ay baka isipin ng publiko na may ilang miyembro na ng Impeachment Court ang may pinuprotektahan, pinangungunahan ang desisyon, o nagpapakita ng prejudgment sa kaso.
Bagama’t ganito ang sitwasyon, nilinaw ng prosekusyon na wala silang balak hilingin ang pag-inhibit ni Cayetano o ng sinumang senator-judge.
Ayon kay Tolosa, ayaw nilang ituon ang pansin sa mga personal na usapin o mag-isip ng masama. Handa rin nilang bigyan ng “benefit of the doubt” ang senadora sapagkat maaari namang may balidong paliwanag ang kampo nito.
Muli namang nanawagan si Tolosa sa publiko na direktang panoorin ang buong paglilitis at huwag umasa lamang sa mga pinaikling video na kumakalat sa social media.
