Sumasailalim na sa pagrepaso o review ng Philippine Army ang naging pahayag ni Senator Robinhood Padilla sa kasagsagan ng Impeachment Trial kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y makaraang aminin ng Senador sa nagpapatuloy na paglilitis sa Pangalawang Pangulo ng bansa na isa siyang “komunista” sa kabila ng kaniyang pagiging Army Reservist.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson, Col. Francel Margareth Padiilla na sinusuri na ng Army kung ano ang naging epekto ng pahayag na ito ng Senador sa kanilang organisasyon.
Magugunitang inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na patitingnan niya sa Army ang konteksto ng naging pahayag ng Senador.
Una nang sinabi ni Padilla, na bukas siyang matanggal sa Reserve Force ng bansa dahil sa kaniyang binitiwang pahayag.