Dapat ibaba ang kilay at sa halip, sumuporta na lang sa nakatakdang rocket launching sa Cagayan sa 2027 na ayon sa Malacañang, panibagong sensyales ng patuloy na pag-unlad ng Pilipinas.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng mga kumukwestyon sa inanunsyong rocket launching ng Pangulo noong SONA, gayung anila’y marami pang isyu ang bansa na mas dapat pagtuunan ng atensyon.
Ayon kay Castro, dapat na i-angat ang mga isinusulong na inisyatibo ng Marcos Administration para sa pag-asenso pa ng Pilipinas, at hindi na dapat na maging balakid pa ang mga ito sa patuloy na pag-usad pasulong ng bansa.
“Iyong mga tumataas ang kilay, ibaba na nila. Ang iangat natin at ang iakyat natin at ang itaas natin ay ang mga naisin ng Pangulo para sa bansa at para sa taumbayan. Huwag na silang magsilbi na balakid sa mga ninanais ng Pangulo sa pag-asenso ng ating bansa.” — Castro.
Ayon kay Castro, ang mga ibang isyu naman sa Pilipinas, hindi naman pinababayaan ng gobyerno, at patuloy lamang ang pamahalaan sa trabaho, upang tugunan ang mga ito.
“At kung sila po ay nakinig sa Pangulo at nakikita po nila ang lahat ng programa, ito po naman ay tinutugunan ng ating Pangulo. Hindi pa po tapos ang obligasyon ng ating Pangulo sa pag-usad ng ating bansa, nandidiyan pa rin po, tuluy-tuloy ang pagtatrabaho.” — Castro.