Bahagyang bumagal ang paglago ng pautang ng mga universal at commercial banks noong Hunyo, na ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ay dahil sa mas maingat na pangungutang ng mga negosyo at nananatiling mahinang demand mula sa mga consumer.
Ayon sa tala ng central bank, lumago ng 9.8% ang bank lending noong Hunyo, mas mababa kumpara sa 12.1% noong Mayo.
Patuloy pa rin namang tumaas ang pautang para sa mga pangunahing sektor tulad ng real estate, kuryente, wholesale at retail trade, manufacturing, transportasyon, at agrikultura. Gayunman, bumagal ang pagpapautang sa ilang sektor kabilang ang construction, education, at iba pang serbisyo.
Samantala, bumagal din ang paglago ng consumer loans sa 17.8% mula sa 19% noong nakaraang buwan, dahil sa mas mabagal na pagtaas ng credit card at auto loans.
Ayon sa BSP, patuloy nitong babantayan ang kondisyon ng pagpapautang ng mga bangko upang matiyak na nananatiling naaayon ito sa layunin nitong mapanatili ang katatagan ng presyo at ng financial system.