Hinikayat ni House prosecutor at Manila Representative Joel Chua ang publiko na subaybayan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang hindi malinlang ng mga troll, spliced videos at maling impormasyong kumakalat sa social media.
Sa isang news forum, sinabi ni Chua na nakatuon lamang ang prosecution sa paghaharap ng ebidensya sa impeachment court at hindi na pinapansin ang mga online attack laban sa kanila.
Ayon kay Chua, matagal na siyang nakararanas ng pambabatikos mula sa mga troll, maging noong mga pagdinig ng Quad Committee, at House Committee on Good Government.
Iginiit din niya, na ang impeachment court ang tamang lugar kung saan sinusuri ang mga testigo at ebidensya at may pagkakataon ding sagutin ng depensa ang mga alegasyon.
Dahil dito, hiniling ni Chua sa publiko na panoorin ang buong paglilitis upang makita ang kabuuang konteksto ng mga ebidensya at hindi basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media.