Pinagtibay ng Social Security System (SSS) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang pagtutulungan para palakasin ang pagsunod sa tax at social security laws, mapahusay ang data sharing, at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Pinangunahan nina SSS President and Chief Executive Officer Robert Joseph M. De Claro at BIR Commissioner Atty. Charlito Martin R. Mendoza ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa BIR National Office sa Quezon City.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatatag ang dalawang ahensya ng mas matibay na koordinasyon sa pagpapatupad ng kani-kanilang mandato.
Magiging pundasyon din ito para sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na magtatakda ng mga partikular na joint initiatives.
Kabilang dito ang paggamit ng Taxpayer Identification Number (TIN) bilang common at reliable identifier ng BIR at SSS upang mapahusay ang data integrity, compliance monitoring, at ease of doing business.