Iginiit ng dating COA-ICFAO auditor na si Roderick Wamil na mahigpit na dapat sundin ang mga alituntunin sa paggamit ng confidential funds upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo ng bayan.
Sa pagdinig ng Senate Impeachment Court, sinabi ni Wamil na hindi kabilang sa mga pinapayagang confidential expenses sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01 ang ₱40 milyong ginamit umano ng Office of the Vice President para sa medical at food aid, gayundin ang ₱10 milyon para sa travel o incentives kaugnay ng confidential operations.
Ayon pa kay Wamil, bagama’t nagsumite ang OVP ng revised accomplishment report, hindi nito naitama ang kakulangan sa mga kinakailangang dokumento, kabilang ang ebidensyang magpapatunay na naging matagumpay ang information-gathering o surveillance na naging batayan ng pagbabayad sa mga informant.
Lumitaw din sa testimonya ni Wamil na may ₱150,000 na diperensya sa mga dokumentong isinumite ng OVP kaugnay ng confidential funds.
Ayon kay Wamil, umabot sa ₱125.15 milyon ang kabuuang halagang nakasaad sa mga acknowledgment receipt, samantalang ₱125 milyon lamang ang confidential funds na inilabas sa OVP noong December 21 hanggang 31, 2022.
Diin ni Wamil na dahil pampublikong pondo ang confidential funds, kinakailangan ang strict compliance sa accounting at auditing rules upang matiyak na ang mga ito ay nagagamit lamang sa mga layuning pinapahintulutan ng batas. | Ulat ni Kathleen Forbes