Posibleng umabot ng limang araw bago mailabas ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) kung papayagan ang grupo ng mga manggagawa na makibahagi sa kasong may kinalaman sa pansamantalang pagsuspinde ng wage hike sa National Capital Region.
Ayon kay SENTRO Secretary General Josua Mata, may itinakdang minimum days of posting ang korte matapos nilang magsumite ng Urgent Motion for Leave to Intervene and Motion to Lift/Dissolve the TRO/Status Quo Order sa Pasig RTC Branch 152.
Aniya, kailangan munang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng partidong kalahok na magbigay ng kanilang komento bago makapaglabas ng desisyon ang hukuman.
Muling iginiit ng grupo na malinaw ang probisyon ng Labor Code na nagsasaad na hindi dapat makialam ang anumang korte sa mga wage increase na ipinagkakaloob ng regional wage boards.
Nanawagan din sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magpahayag ng paninindigan kaugnay ng usapin.
Ayon pa sa grupo, kung mananatiling epektibo ang TRO sa loob ng isang linggo, tinatayang aabot sa ₱360 milyon ang mawawalang kita ng mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Kung tatagal naman ito ng isang buwan, maaari umanong umabot sa ₱1.6 bilyon ang kabuuang mawawala sa kanilang sahod.