Umapela si DILG Secretary Jonvic Remulla sa kabataan na maging aktibo sa pamamahala at gamitin ang kanilang karapatan upang maningil ng pananagutan mula sa gobyerno.
Sa Open Government Partnership Localization Forum sa De La Salle University, sinabi ni Remulla na mahalaga ang papel ng kabataan sa pagsusulong ng transparency, accountability, at pakikilahok ng mamamayan.
Hinamon niya ang mga estudyante at kabataan na magtanong tungkol sa mga hakbang ng gobyerno, magsalita laban sa maling gawain, at panatilihing buhay ang talakayan tungkol sa mabuting pamamahala.
Binigyang-diin ni Remulla na hindi lamang nakasalalay sa mga institusyon ang open government, kundi pati na rin sa mga mamamayang mapanuri, may kaalaman, at handang makilahok.
Ibinahagi rin niya ang mga hakbang ng DILG upang palakasin ang transparency sa serbisyo publiko, kabilang ang livestreaming ng public bidding, na nakatulong umano upang makatipid ng humigit-kumulang ₱100 milyon sa pagbili ng mga sasakyan.