Umaasa ang Commission on Higher Education o CHED na makakakuha ng karagdagang pondo para sa pagpapalawak ng mga programa nito sa transnational higher education sa ilalim ng 2027 national budget.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis sa press conference ng ASEAN-UK Higher Education Week 2026, nakapaloob na sa kanilang indicative budget proposal ang pondo para sa EduPhil o educational visa one-stop digital portal, mga programa sa ilalim ng Tokyo Convention, at tatlong pangunahing scholarship initiatives.
Gayunman, sinabi ni Agrupis na kinikilala nila ang limitasyon sa pondo ng pamahalaan kaya patuloy silang makikipag-ugnayan sa Kongreso upang madagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo ng scholarship programs.
Samantala, kinumpirma rin ni CHED Commissioner Michelle Ong na may nakalaang pondo para sa faculty development, partikular sa mga nais kumuha ng master’s at doctorate degrees sa mga prestihiyosong unibersidad lalo na sa ibang bansa.
Inaasahan namang iaanunsyo ng CHED sa kanilang website ang mga oportunidad sa scholarship para sa mga faculty member, kabilang ang proseso ng aplikasyon at mga kwalipikasyon. | ulat ni Ej Lazaro