Pinalalakas ng Commission on Higher Education o CHED ang pagpapatupad ng Republic Act 11448 o Transnational Higher Education Act sa pamamagitan ng paglulunsad ng pambansang estratehiya na magpapalawak sa pakikipagtulungan ng mga unibersidad sa Pilipinas at ibang bansa.
Pitong taon matapos maisabatas ang RA 11448 noong 2019, inilunsad ng CHED sa isinagawang ASEAN-UK Higher Education Week 2026 ang Transnational Higher Education National Strategy na magsisilbing roadmap sa pagpapatupad ng batas.
Kabilang sa mga layunin nito ang pagpapalawak ng student at faculty mobility, research collaboration, at pagbubukas ng oportunidad para sa mga dayuhang unibersidad na magtayo ng kanilang mga campus sa Pilipinas.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, bagama’t mayroon nang mga umiiral na partnership sa pagitan ng mga lokal at dayuhang unibersidad, kinakailangan ang isang pambansang direksyon upang mas mapalawak ang mga benepisyong hatid ng batas.
Sa pamamagitan nito, inaasahan ng CHED na mas mapapalawak ang access ng mga Pilipino sa de-kalidad na edukasyon at mga programang sang-ayon sa international standards. | ulat ni Ej Lazaro