Bilang bahagi ng LakBayanihan Tour, bumisita ang mga miyembro ng Philippine Tour Operators Association (PHILTOA) sa Muslim Town sa Quiapo, Maynila para mas kilalanin ang kultura at pamumuhay ng Muslim community.
Naranasan ng grupo ang pagsusuot ng hijab, pagbisita sa Golden Mosque, pag-aaral ng mga pangunahing Arabic greetings, at pagtikim ng halal na pagkain sa mga lokal na restaurant at pamilihan.

Nagkaroon din ng community outreach ang PHILTOA sa pamamagitan ng pamamahagi ng school supplies sa mga batang naninirahan sa Muslim Town.
Ayon sa grupo, layunin ng aktibidad na palalimin ang pag-unawa sa kulturang Muslim at makapagdala ng mga turista sa lugar habang isinusulong ang inklusibo at responsableng turismo.

Dahil sa yumayamang Halal Tourism sa bansa, nagbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga lokal na negosyo, tour operators, hotel, restaurant, at iba pang tourism stakeholders.
Patuloy rin nitong hinihikayat ang pagdating ng mas maraming Muslim travelers na nagbibigay ng dagdag-kita at trabaho sa mga komunidad.
Patunay dito ang pagkilala sa Pilipinas kamakailan bilang ika-limang Muslim-friendly destination sa hanay ng mga non-Organization of Islamic Cooperation countries sa 2026 Global Muslim Travel Index, na nagpapalakas sa posisyon ng bansa bilang isang ligtas at inklusibong destinasyon para sa mga Muslim na turista.