Pormal na inihain nina House Speaker Fausitino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos ang panukalang Systems Loss Charge Abolition Act na naglalayong alisin ang system loss bilang hiwalay na singil sa electric bill.
Sa ilalim ng kanilang House Bill 10430, hindi na maaaring ipasa sa mga nagbabayad na konsyumer ang gastos na dulot ng power theft, sirang metro, mahinang koleksyon, kakulangan sa maintenance, inefficiency at iba pang kapabayaan ng distribution utilities.
Ayon kay Marcos, hindi dapat gawing pasanin ng mga ordinaryong pamilya ang mga pagkukulang na kaya namang maiwasan ng mga power utility.
Nakasaad din sa panukala na hindi maaaring isingit ang mga ipinagbabawal na system loss charges sa iba pang bahagi ng electric bill.
Ang Energy Regulatory Commission (ERC) naman ang magtatakda kung anong limitadong bahagi ng system loss na kinakailangan sa maayos na operasyon ng distribution network ang maaari pa ring mabawi ng mga utility, habang ipatutupad ang reporma nang paunti-unti upang hindi maapektuhan ang suplay ng kuryente.
Diin ni Marcos, hindi dapat gawing insurance policy ang buwanang bill ng ordinaryong pamilya para sa mga pagkukulang na kayang pigilan ng utility.