Suportado ni Navotas Representative Toby Tiangco ang hakbang ng Department of Labor and Employment (DOLE) na palakasin ang proteksiyon sa mga batang lumalabas sa monetized online content.
Sa ilalim ng kaniyang House Bill No. 10010 o Child Influencer Earnings and Privacy Protection Act, ang batang pangunahing tampok sa monetized online content ay dapat makatanggap ng hindi bababa sa 50 porsiyento ng kinita habang 30 porsiyento naman ang para sa mga batang regular na lumalabas sa naturang content.
Inaatasan din ng panukala na ideposito ang bahagi ng kita ng mga bata sa isang protektadong account na sila lamang ang maaaring makinabang.
Ipinagbabawal din sa panukala ang nakahihiya o mapagsamantalang content, na pati ang pagsisiwalat ng sensitibong personal na impormasyon at ang labis na pagkuha ng content na nakaaapekto sa kanilang pag-aaral at pahinga.
Ayon kay Tiangco, hindi dapat maging produkto lamang ang mga bata sa social media dahil nararapat silang maprotektahan at makatanggap ng patas na bahagi sa kinikita ng content na kanilang tinutulungan likhain.
Umaasa ang mambabatas, na sa pamamagitan ng panukala ay higit na mapangangalagaan ang karapatan, privacy, at kapakanan ng mga child influencer habang patuloy na lumalawak ang digital economy.
“The digital economy has evolved faster than our laws. This measure ensures that children’s rights evolve with it. Our goal is simple: protect their childhood, protect their privacy, and make sure they receive what is rightfully theirs if they are helping create value online,” ani Tiangco.