Photo courtesy of Bureau of Internal Revenue (BIR)
Tiwala si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza na hindi magkakaroon ng malaking epekto sa revenue collection efforts ng gobyerno ang tax relief measures na ipinanukala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Kabilang dito ang pagpapalawak ng income tax exemption threshold at pag-alis ng Minimum Corporate Income Tax (MCIT) para sa micro at small businesses.
Ayon kay Mendoza, makikipagtulungan sila sa Department of Finance (DOF) at Kongreso para maisulong ang mga panukala.
Paliwanag nito, batay sa datos ng DOF, kapag napalawak ang income tax exemption, direktang makikinabang dito ang mahigit anim na milyong manggagawa na maaaring makatanggap ng hanggang ₱15,000 na dagdag na take-home pay kada taon.
Inaasahan din ng BIR chief na iikot sa ekonomiya ang dagdag na kita na ito ng mga manggagawa, na maaaring makalikha ng karagdagang VAT collections at makatulong sa mga negosyo.
Sa panig ng BIR, tiniyak naman ni Mendoza ang pagpapaigting ng tax collection at enforcement para matiyak ang patas na pagbabayad ng buwis.