Photo courtesy of Rep. Chel Diokno
Kasabay ng pagdiriwang ng “Buwan ng Wika”, muling nanawagan si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno para sa pagsasabatas ng kanyang panukalang “Batas sa Sariling Wika Act,” na layong isalin sa Filipino, Bisya, at Ilokano ang mga batas ng bansa may mga probisyong nagpapataw ng parusa.
Aamyendahan nito ang Revised Administrative Code of 1987 sa pagtatakda ng opisyal na pagsasalin ng mga nasabing batas sa tatlong pinakamalaking wika sa bansa na kumakatawan sa apat na pinamalaking ethnolinguistic groups: Tagalog (26 porsiyento), Bisaya (14.3 porsiyento), Ilokano (walong porsiyento), at Cebuano (walong porsiyento).
Punto ni Diokno, dapat maging accessible ang ating mga batas sa bawat Pilipino.
Kung hindi kasi aniya nauunawaan ng karaniwang mamamayan ang batas, ay paano aniya nila malalaman at maipaglalaban ang mga karapatang ginagarantiyahan nito.
“Hindi lang ito tungkol sa pagsasalin, kundi sa pagtiyak na pantay ang access ng lahat sa hustisya. Walang sinuman ang dapat maiwan dahil lamang hindi niya nauunawaan ang wikang ginamit ng batas,” diin pa niya.
Kapag naisabatas, lahat ng mga bagong batas na may mga probisyong nagpapataw ng parusa ay kailangang maisalin sa loob ng 90 araw.
Kailangan namang isalin sa loob ng limang taon ang mga umiiral na batas na may mga probisyong nagpapataw ng parusa, kabilang ang Revised Penal Code, Labor Code, RA 7610, Anti-VAWC Act, Safe Spaces Act, at Magna Carta of Filipino Seafarers, at iba pa,. Ang Komisyon sa Wikang Filipino ang magsisilbing pangunahing ahensiya sa pagsasalin, habang ang Presidential Communications Office ang magiging responsable sa paglalathala ng mga salin sa Official Gazette at sa pagtiyak na ito’y makikita online.