Hindi tumalab ang anting-anting ng isang albularyo sa General Trias City, Cavite matapos na maaresto sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay CIDG Cavite Provincial Field Unit Chief LtCol. Mark Jason Gatdula, nagsagawa sila ng intelligence build up para makapag-file ng search warrant matapos makatanggap ng impormasyon na ipinagmamalaki umano ng albularyo na si alias Dante ang mga hindi lisensiyadong baril habang nag-aalok ng mga anting-anting.
“Habang nagpapagamot siya, inalok niya ang aming impormante na sumali sa grupong Haring Bakal…Pinagyabang ng ating albularyo ang kaniyang mga di-lisensiyadong baril kagaya ng caliber .357, .45 at .22.”
Batay sa video na hawak ng CIDG, ginagamit umano ng suspek ang pagpapaputok ng baril bilang patunay na epektibo ang mga anting-anting na kaniyang ibinebenta.
Sinabi ni Gatdula delikado ang ganitong gawain sa komunidad.
Nasamsam naman sa operasyon ang tatlong baril na caliber .357, caliber .45 at caliber .22. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasalukuyang nakapiit sa kustodiya ng CIDG habang hinihintay ang resolusyon ng korte.