Pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang sa community intelligence upang mabuwag ang mga operasyon at pugad ng ilegal na sugal sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., isa sa pinakamabisang paraan ang impormasyong nagmumula sa mga residente upang matukoy ang mga operasyon ng ilegal na sugal sa iba’t ibang komunidad.
Aniya, ang ilegal na sugal ay nagiging ugat din ng iba pang krimen tulad ng pagnanakaw, robbery, domestic violence, at crimes against persons.
Sinabi ni Nartatez na hindi lamang sa Metro Manila nakatuon ang kampanya dahil tuloy-tuloy rin ang agresibong operasyon sa mga munisipalidad, lalawigan, at maging sa mga liblib na lugar.
Dagdag pa niya, ang pagbuwag sa mga operasyon ng ilegal na sugal ay makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Samantaa, iniulat din ng PNP na umabot sa 9,401 indibidwal ang naaresto sa kanilang mga operasyon nitong Hulyo dahil sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal, habang mahigit ₱3.2 milyon halaga ng perang pantaya at mga kagamitang ginagamit sa ilegal na pagsusugal ang nakumpiska.