📷 DSWD
Inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 120 na nagpapahintulot sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magpatuloy sa pagtanggap ng tulong kahit lumagpas na sa pitong taong limitasyon ng programa.
Sa ilalim ng EO No. 120 na nilagdaan noong Hulyo 13, makatatanggap pa rin ng tulong ang mga pamilyang nakatapos na ng pitong taon basta’t nananatili silang nasa Level 1 (Survival) o Level 2 (Subsistence) batay sa Social Welfare and Development Indicator (SWDI) tool ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Alinsunod ang naturang utos sa Republic Act No. 11310 o 4Ps Act, kung saan pinapayagan ang National Advisory Council (NAC) na magrekomenda ng extension ng benepisyo sa ilalim ng “exceptional circumstances”.
Inirekomenda ng NAC ang extension sa pamamagitan ng Resolution No. 1, series of 2026. Binigyang-diin ng konseho ang matinding epekto ng pandemyang COVID-19 na nagdulot ng pagkasira sa kita ng mga sambahayan, pagkaantala ng pag-unlad, at pagharang sa kakayahan ng mga pamilya na maging self-sufficient sa loob ng pitong taon.
Upang maipatupad ang probisyon, inatasan ang DSWD na magpatupad ng mas pinalakas na case management system at magpalabas ng mga gabay sa pagpapatupad (implementing guidelines) sa loob ng 30 araw mula sa pagiging epektibo ng utos. Sakop nito ang pagtukoy at pagpapatunay sa mga kwalipikadong benepisyaryo at ang kanilang kahandaang makagraduate sa programa.
Kukunin ang paunang pondo para sa extension sa kasalukuyang badyet ng DSWD, habang ang mga susunod na kakailanganing pondo ay isasama sa mga susunod na panukalang badyet ng kawanihan. Mabilis na magiging epektibo ang EO pagkatapos nitong maipalabas sa Official Gazette o sa pahayagan. ###