Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 9605 o ang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026 na naglalayong lumikha ng National Cybersecurity Agency (NCSA).
Sa sponsorship speech ni Camarines Sur 5th District Representative Miguel Luis Villafuerte, sinabi nitong hindi na lamang usapin ng information technology ang cybersecurity kundi usapin na rin ng pambansang seguridad dahil nakasalalay na rito ang mahahalagang serbisyo ng bansa.
Ayon pa kay Villafuerte, palalakasin ng panukala ang pambansang koordinasyon, incident response, at magtatakda ng minimum cybersecurity standards para sa mga critical information infrastructure.
Sa hiwalay na sponsorship speech, sinabi naman ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Representative Brian Poe na hindi na maaaring manatiling watak-watak ang cybersecurity framework ng Pilipinas sa harap ng lumalalang banta ng cyberattacks.
Kailangan aniya ng bansa ang isang pinag-isang cybersecurity strategy, central coordination at mas matatag na proteksyon sa mga kritikal na digital infrastructure.
Ang bubuoing National Cybersecurity Agency ang pangunahing ahensya na mangunguna sa pagpapatupad ng cybersecurity policies, pambansang koordinasyon, at proteksyon sa mga critical information infrastructure ng bansa.