Mahigpit nang naka-monitor ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng bagyong Maymay at habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ulat ng PAGASA, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang lalawigan sa Northern Luzon, habang patuloy ang malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at ilang lugar sa Mindanao.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, na pinaigting na ng ahensya ang monitoring at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang paghahatid ng ayuda.
May nakaimbak na 4.999 milyong family food packs, sapat na food at non-food items, at ₱1.66 bilyong Quick Response Fund ang DSWD para sa agarang disaster response.
Pinayuhan ni Dumlao ang publiko na bantayan ang mga abiso ng PAGASA at ng mga lokal na pamahalaan, at mag-ingat laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng bagyo at habagat.