Walang-patid ang pagpapatayo ng National Housing Authority (NHA) ng mga proyekto sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program partikular na ang Rental Housing projects.
Sa panayam ng programang BOSES kay NHA General Manager Joeben Tai, sinabi nitong nagpapatuloy ang pagtatayo ng rental housing sa kahabaan ng NIA Road upang matulungan ang mga nabiktima ng sunog sa Barangay Pinayahan.
Ayon kay GM Tai pitong mid-rise building na may labing-isang palapag ang itatayo ng NHA sa Quezon City na isa sa mga itinuturing na prime areas sa National Capital Region.
Bagamat nilinaw ng NHA na hindi rent-to-own ang units na gagawin nila ay abot-kaya naman ito dahil papatak lang sa ₱2,000 kada buwan ang magiging upa, na perpekto para sa mga mahihirap na pamilya at siya ring magagamit ng mga residente na pansamantala lang namang mamamalagi sa Metro Manila.
Ani Tai, seryoso ang NHA na agad tupdin ang mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng maayos na matitirhan ang mga mahihirap na Pilipino at matulungan silang makaahon sa kahirapan.
Oras naman na maka-graduate na ang mga benepisyaryo ng Expanded 4PH program ay maaari na rin silang kumuha ng mura ring pabahay na rent-to-own naman na handog din ng NHA at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Pagtitiyak naman ng NHA na hindi lang sa QC itatayo ang rental housing units dahil ilalagay din ito sa iba pang prime areas sa Metro Manila upang mas maraming residente ang maabot at matulungan ng pamahalaan.