Mas pinalalakas ng Department of Social Welfare and Development Field Office XI o DSWD XI ang pagpapatupad ng Sustainable Livelihood Program o SLP sa Davao Region upang matiyak ang mas episyente at dekalidad na paghahatid ng mga serbisyong pangkabuhayan sa mga benepisyaryo.
Bilang bahagi nito, nagsagawa ang ahensya ng Enhancement Training on the Unified Financial Recording Template at SLP Implementation Refresher para sa mga SLP personnel ng Davao City Cluster.
Layunin ng pagsasanay na magkaroon ng pare-parehong pag-unawa sa financial recording, mga umiiral na guidelines, at proseso ng implementasyon ng programa upang maging mas maayos, episyente, at responsable ang pamamahala ng SLP.
Ayon sa DSWD XI, ang Davao City Cluster ang unang sumailalim sa regional rollout ng naturang pagsasanay, na isasagawa rin sa iba pang mga lalawigan at cluster sa Davao Region ngayong buwan.
Inaasahan ng ahensya na sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga SLP personnel, mas mapapabuti ang implementasyon ng programa at ang paghahatid ng mga serbisyong pangkabuhayan sa mga benepisyaryo sa buong rehiyon.