Naniniwala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na ang maayos na pagpaplano ng pampublikong transportasyon ang susi upang mapalakas ang connectivity at mga oportunidad sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Economic-Planning Secretary Arsenio Balisacan sa isinagawang ceremonial handover ng Senate-DepEd (SEED) Project Feasibility Study kahapon, August 4.
Dito, ipinakita ng DEPDev ang buong suporta nito sa planong pagdurugtong ng Metro Manila Subway Project (MMSP) gayundin ng North-South Commuter Railway (NSCR) sa pamamagitan ng isang mixed-use transport hub sa Senate–DepEd Station.
Sa pamamagitan nito, ayon kay Balisacan, mas maisusulong ang inklusibo at sustainable na pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ang SEED Project ay isang pilot Transit-Oriented Development (TOD) initiative sa ilalim ng isang public-private partnership (PPP) arrangement.
Bahagi ang proyektong ito ng Luzon Economic Corridor na naglalayong pagtibayin ang imprastraktura, logistics, at konektibidad sa Luzon katuwang ang United Kingdom-Foreign, Commonwealth and Development Office.

