Naglabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng dalawang proklamasyon na nagdedeklara ng special non-working day sa mga bayan ng Rosario, La Union at Bombon, Camarines Sur upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng kani-kanilang araw ng pagkakatatag.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1383, idineklarang special non-working day ang Biyernes, Agosto 7, 2026, sa bayan ng Rosario, La Union, para sa pagdiriwang ng kanilang founding anniversary.
Samantala, idineklara naman sa Proclamation No. 1384 na special non-working day ang Huwebes, Agosto 13, 2026, sa bayan ng Bombon, Camarines Sur, para rin sa kaarawan ng pagtatag ng nasabing bayan.
Inilahad sa mga naturang proklamasyon na nararapat lamang na mabigyan ng sapat na pagkakataon ang mamamayan ng dalawang bayan na makipagkaisang lumahok at magdiwang sa kani-kanilang mahahalagang okasyon.
Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto ang parehong proklamasyon noong Agosto 3 sa ilalim ng awtoridad ng Pangulo. ##