Tiwala ang Malacañang na hindi makokompromiso ang kaso ng umano’y kuwestiyonableng flood control projects sa Taguig na kinasasangkutan ni Senador Alan Peter Cayetano.
Ito’y ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, kahit pa magkasundo na sila Cayetano at Senador Panfilo Lacson, lalo’t napagkasunduan ng mga senador na pagbatiin ang dalawang mambabatas.
“So, naniniwala tayo na tuloy-tuloy pa rin ang mga issue na dapat na imbestigahan, kung may mga ebidensiya, alam po din natin na ito ay kaniyang ipagpapatuloy,” paliwanag ni Castro.
Ayon kay Castro, mas maganda naman talaga na nagkakasundo ang lahat, lalo na ang mga public servant.
“Mas maganda naman po talaga na ang bawat tao, hindi lang po public servants, lahat po sana ay nagkakasundo. May mga pagkakataon na magkakaiba nga ang opinyon pero hindi kinakailangan talaga na umabot sa hindi magandang relasyon,” pahayag ni Castro.
Sa ganitong paraan kasi aniya, mas magiging maganda ang relasyon sa pagta-trabaho ng mga ito kung mawawala ang mga personal na sentimyento sa bawat isa.
Gayunpaman, naniniwala si Castro na hindi makikipag-kompromiso si Lacson para isantabi ang pagpapa-imbestiga sa mga kwestyonableng proyekto.
“Kung sila po ay magkakasundo at mawawala na iyong mga personal nilang sentimyento sa bawat isa mas magiging maganda ang kanilang relasyon sa pagtatrabaho. Pero naniniwala tayo na sa pagkatao po ni Senator Lacson hindi po siya makikipag-compromise para lang mawala ang kaniyang pag-iimbestiga,” ani Castro.