Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bukod kay Executive Secretary Ralph Recto ay tinarget din umano siya, si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, ang kaniyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla, at iba pa sa umano’y character assassination kaugnay ng “bugaw scheme.”
Sa ambush interview sa Quezon City, sinabi ni Remulla na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na si dating Rep. Jing Paras ang person of interest sa kaso.
Ayon kay Remulla, naniniwala siyang si Paras ang pasimuno nito, dahil siya umano ang konektado sa bugaw, habang ang bugaw ang nagsabi ng plano at si Paras lamang ang nagbanggit ng pangalan ni Batangas First District Rep. Leandro Leviste.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na kinokonsidera nilang magsampa ng kasong human trafficking laban kay Paras habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Matatandaang kaugnay ito ng iniimbestigahang “bugaw scheme” na lumutang kasunod ng entrapment operation ng National Bureau of Investigation sa isang hotel sa Malate, Maynila kung saan limang babae ang nasagip.
Samantala, itinanggi ng kampo ni Paras ang pahayag ni Remulla na siya ang umano’y “pasimuno” ng “bugaw scheme.” Ayon sa abogado nitong si Atty. Mark Tolentino, wala pang pinal na desisyon laban sa kanilang kliyente at handa itong makipagtulungan sa imbestigasyon.