Tinawag na “fake news” ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remullla ang mga umuugong na alingasngas hinggil sa umano’y pagkakaaresto kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa ambush interview sa Quezon City kay Remulla, sinabi nito na hindi pa naaaresto ang naturang Senador at batay sa last known location nito ay nasa Mindanao pa.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DILG sa Department of Justice (DOJ) at iba pang law enforcement agencies para sa pagtugis sa nagtatagong senador na mayroong warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Pagtitiyak naman ni Remulla, magiging “transparent” sila at walang itatago sakaling mahuli na si Senador Bato at tiniyak na daraan sa tamang proseso sa ilalim ng mga umiiral na batas sa Pilipinas.
Kanila rin ito aniyang ihaharap sa Korte ng Pilipinas bago tuluyang ihatid sa the Hague, Netherlands para sa return of warrant para sa kasong Crimes Against Humanity.