Naharang ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang PNP-CIDG at Philippine Coast Guard, ang hinihinalang counterfeit na imported footwear na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱700 milyon sa isang warehouse sa Imus City, Cavite noong Agosto 3, 2026.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report mula sa PNP-CIDG Cavite tungkol sa umano’y mga imported na produktong lumalabag sa customs at intellectual property laws. Agad namang naglabas ang BOC ng Letter of Authority at nagsagawa ng inspeksiyon kasama ang mga tauhan ng IPRD, CIIS, ESS, Legal Service, PNP, at Philippine Coast Guard.
Sa inspeksyon, natagpuan ang mga sapatos na may mga trademark ng Adidas, On Cloud, New Balance, Asics, Crocs, Nike, Jordan, Puma, Converse, Skechers, at Louis Vuitton.
Nagpasalamat si BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa CIDG at iba pang partner agencies sa kanilang mahalagang impormasyon at koordinasyon.
Aniya, patunay ito ng kahalagahan ng matibay na pagtutulungan ng mga ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng mga illegal na produkto at maprotektahan ang mga mamimiling Pilipino at mga lehitimong negosyo.
Ayon sa BOC, bahagi ang operasyon ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang border protection, sugpuin ang smuggling, at isulong ang patas na kalakalan upang maprotektahan ang mga consumer at negosyante.