Itinuturing ng Malacañang na diversionary tactic ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte ang pagpapakalat ng impormasyon, kaugnay sa umano’y pagkakaaresto kay Senador Ronald Bato dela Rosa.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, timing ang pagpapalaganap ng pekeng impormasyon, upang tabunan ang mga isiniwalat ng Commission on Audit (COA), sa impeachment trial kahapon (August 4), kaugnay ng umano’y milyong pisong halaga ng confidential funds na walang resibo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Castro, walang sapat na konteksto ang mga ipinakakalat na pahayag nina Atty. Jimmy Bondoc at dating Presidential Spokesperson Harry Roque tungkol kay Dela Rosa.
Kasabay nito, hinikayat ni Castro ang publiko na maging mapanuri, alamin ang pinagmulan at motibo ng mga kumakalat na impormasyon, at magtiwala lamang sa mga beripikadong ulat ng mainstream media.
“Para matabunan ang mga naisiwalat ng COA patungkol sa mga walang resibo na paggasta ng milyong-milyong pisong confidential funds ni VP Sara sa OVP at DEPED. Makikita ang motibo sa ginagawang diversionary tactic ng mga kaalyado ni VP Sara. Maging mapanuri, mainstream media pa rin ang unang dapat na pagtiwalaan sa mga beripikadong balita.” — Castro.