Dapat magsilbing aral sa mga public servant ang mga pangyayaring nakaapekto sa trabaho ng Senado.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, makaraang sabihin ni Senator Imee Marcos na dalawang batas lamang ang naipasa nila sa Senado mula sa higit 50 priority bills.
Kung matatandaan, una nang inamin ni Senate President Win Gatchalian na naapektuhan ang legislative work ng Senado dahil sa sunod-sunod na pagbabago sa liderato.
Kabilang na rin dito ang tatlong araw na pag-boycott ng minority bloc sa Senate hearings, at ang on going impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Unang-una, sino po ba ang nag-umpisa ng pagbabago ng liderato at noong nagkaroon po ng pagbabago ng liderato, nandoon na po iyong nagkaroon ng putukan ng Senado, nagkaroon na po ng gulo sa Senado, nagkaroon ng tatlong araw na sunod-sunod na hindi pagpunta at pag-attend sa sesyon,” paliwanag ni Castro.
Dagdag pa niya, kung ang pabago-bagong liderato ang naging dahilan ng mababang legislative output sa Senado, dapat na tingnan kung sino ang nagpasimula ng mga pagbabagong nauwi sa kaguluhan at pagkaantala ng sesyon.
Aniya, ang mga pangyayaring ito ay dapat magsilbing aral sa lahat ng lingkod-bayan na unahin ang interes ng publiko kaysa pansariling interes ng iilan.
“Magsilbing aral sana ito sa lahat ng mga public servants na hindi puwedeng daanin sa ganitong klase ang pamumuno at ang dapat na laging manguna ay ang interes ng bayan, hindi ang sariling interes, hindi ang interes para lagi lang mamuno, kung hindi dapat ay para sa kabutihan ng bawat Pilipino,” ani Castro.