Arestado ang apat na indibidwal dahil sa pagdukot sa 37 taong gulang na negosyanteng Chinese na nagbabakasyon sa Angeles City, Pampanga.
Tatlo sa mga ito ay pawang Chinese nationals at isang Pilipino.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na dinukot ang biktima at isinakay sa puting van noong gabi ng Agosto 2 habang nasa isang establisimyento sa kahabaan ng Friendship Highway.
Sinabi naman ni PNP Anti-Kidnapping Group na kidnapping for ransom ang motibo ng mga suspek matapos na humingi ng isang milyong dolyar kapalit ng kalayaan ng biktima.
Lumabas din sa imbestigasyon na isa sa mga suspek ay dati umanong kostumer sa supermarket na pagmamay-ari ng biktima at posibleng minanmanan ito bago isinagawa ang pagdukot.
Hindi naman natuloy ang pagbibigay ransom dahil nakatakas ang biktima matapos na tumalon sa bintana habang natutulog ang mga suspek matapos mag-inuman.
Anim ang itinuturing na suspek sa krimen kung saan apat na ang naaresto at nahaharap sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention, habang patuloy na tinutugis ang dalawa pang suspek.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Bureau of Immigration upang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng mga naarestong Chinese national. | ulat ni Diane Lear