Kiko Pangilinan
Ipinahayag ni Senador Kiko Pangilinan ang kanyang buong suporta sa pinagtibay nilang na Senate Resolution 577 na nananawagang alisin ang temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa pagpapatupad ng P85 na dagdag sa arawang sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Sa kanyang co-sponsorship speech, sinabi ni Pangilinan na ang P85 wage increase ay magbibigay ng agarang ginhawa sa mga pamilyang patuloy na nahaharap sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ayon sa senador, malaking tulong ang karagdagang sahod sa pang-araw-araw na gastusin ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilya.
Binigyang-diin din ni Pangilinan na malinaw sa Article 126 ng Labor Code of the Philippines ang proseso ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa pagtukoy ng naaangkop na minimum wage para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Nakasaad din na ipinagbawal ang paglalabas ng mga hukuman ng injunction laban sa mga proseso ng wage boards para mapanatili ang integridad ng wage orders at maiwasan ang pagkaantala ng mga wage adjustment dahil sa mahabang usaping legal. | ulat ni Nimfa Asuncion