Naglabas ng pahayag ang tagapagsalita ng Senate Impeachment Court na si Atty. Reginald Tongol matapos ibasura ng Korte Suprema ang pinagsamang mga petisyon na may kaugnayan sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tongol, kinikilala ng Impeachment Court ang inilabas na pahayag ng supreme court na nagsasabing ibinasura ang mga petisyon dahil naging moot o wala nang isyung dapat pagdesisyunan.
Sinabi ni Tongol na pinatutunayan lang ng naging desisyon ng Korte Suprema ang matagal nang itinatakda ng Konstitusyon…na natapos na ang tungkulin ng Kamara sa paghahain ng Articles of Impeachment at nagsimula na ang adjudicatory phase sa Senado bilang Impeachment Court.
Binigyang-diin din niya na hindi naging partido ang Senado sa mga kasong isinampa kaugnay ng naging proseso sa House Committee on Justice.
Aniya, hiwalay ang papel ng Senado bilang Impeachment Court at hindi nito mamanahin o tatalakayin ang mga legal na usaping may kinalaman sa naging proceedings ng Kamara bago maipadala ang Articles of Impeachment.
Ayon pa kay Tongol, sa oras na maipadala ang Articles of Impeachment sa Senado, ganap nang na-activate ang kapangyarihan ng Senado na magtipon bilang Impeachment Court alinsunod sa nakasaad sa konstitusyon.
Dahil dito, ang Senado na aniya ang may tanging kapangyarihang dinggin at pagpasiyahan ang impeachment case.
Iginiit din ng tagapagsalita ng impeachment court na nananatiling walang kinikilingan ang Impeachment Court at sisimulan nito ang paglilitis nang may “blank slate,” o walang kinikilingang panig batay sa mga naganap sa Kamara.
Dagdag pa ni Tongol, sa pagpapatuloy ng impeachment trial, ang magiging gabay ng Impeachment Court ay ang Konstitusyon, ang Rules of Procedure in Impeachment Trials, ang Rules of Court, umiiral na jurisprudence, at ang mga ebidensyang pormal na ihaharap sa paglilitis. | ulat ni Nimfa Asuncion