Pinatitiyak ni Senate Committee on Agriculture Chairman Senador Kiko Pangilinan na mabibigyan ng boses ang mga magsasaka at iba pang maaapektuhang residente sa planong pagtatayo ng mga pasilidad ng Pax Silica sa Capas, Tarlac.
Ayon kay Pangilinan, hindi maaaring isantabi ang kalagayan at saloobin ng mga magsasaka at mga pamilyang naninirahan sa lugar.
Sianbi ng senador na hindi dapat gamitin lang ang otoridad ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) bilang batayan sa pagpapaalis sa mga residente at magsasakang maaapektuhan ng proyekto.
Iginiit din ni Senator Kiko ang kahalagahan ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ng komunidad, lalo na kung may maaapektuhang mga katutubo, magsasaka, at mga karaniwang mamamayang umaasa sa pinagkukunan ng tubig sa lugar.
Ipinaliwanag niya na ang “free” ay nangangahulugang walang pamimilit, pananakot o pagbabanta; ang “prior” ay dapat maisagawa bago pa simulan ang proyekto; at ang “informed” ay nangangahulugang malinaw at kumpleto ang impormasyong ibinibigay sa komunidad upang makagawa sila ng tamang pasya.
Inihayag din ng senador na plano niyang busisiin ang mga detalye ng Pax Silica project sa isang pagdinig sa Senado.
Ayon kay Pangilinan, ang interes ng karaniwang Pilipino ang magiging pangunahing batayan sa pagsusuri para matiyak na kapaki-pakinabang ang proyekto para sa mamamayan at sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion