Binigyan ng Malacañang ng kapangyarihan ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magtalaga ng kinatawan na maaaring mag-apruba sa mga travel request ng LGU officials.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto ay sa bisa ng Administrative Order no. 57, na layong mapabilis ang pagproseso ng travel applications ng mga lokal na opisyal na humihiling na makabiyahe.
Kung matatandaan, sa ilalim ng Local Government Code, kailangan muna ng approval ng Office of the President (OP) para sa anomang travel request ng LGU officials, lalo na kung ang biyahe ay lalampas sa tatlong buwan, o kaya naman ay kapag kasagsagan ng emergency o krisis, at gagamit ng pampublikong pondo.
Sa ilalim ng AO, kailangang baguhin at padaliin ang approval process, upang masiguro ang mabilis na aksyon, maayos na sistema, at mas epektibong burukrasya, dahil sa dami ng travel request.
Ang hakbang na ito, sisiguro na mayroong sapat na oversight at pagbabantay sa mga lokal na pamahalaan. | ulat ni Racquel Bayan