Iginiit ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares na walang batas na tahasang nagpapataw ng value-added tax o VAT sa systems loss charge sa singil sa kuryente.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, sinabi ni Colmenares na ang pagpapataw ng VAT sa systems loss ay nakabatay lamang sa memorandum ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa resolusyon ng Energy Regulatory Commission (ERC), at hindi sa isang batas.
Dahil dito, naniniwala siyang maaari itong amyendahan o tuluyang alisin sa pamamagitan ng executive action nang hindi na kinakailangang magpasa ng bagong batas.
Sinabi naman ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Felix William Fuentebella na isa ito sa mga “low-hanging fruit” o pinakamadaling hakbang upang agad na mapagaan ang gastos ng mga konsyumer sa kuryente. Aniya, nakikipagpulong na ang DOE sa ERC at BIR upang pag-aralan ang pag-aalis ng naturang buwis, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bunsod nito hinikayat ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang Kongreso na ang pinakamabilis na hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang bayarin sa kuryente ng mga mamamayan ay ang agarang pag-alis sa EVAT sa system loss.