Nasa ilalim ng Alert Level Bravo o Orange Alert ang 14 na probinsya dahil sa epekto ng Bagyong Maymay, ayon yan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) – Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX).
Kabilang dito ang Abra, Apayao, Aurora, Benguet, Cagayan, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Vizcaya at Quirino.
Ayon sa DILG, posibleng makaranas ang mga naturang lugar ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan at hanging aabot sa 65km kada oras.
Samantala, nasa ilalim naman ng Alert Level Alpha ang Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac at Zambales, kung saan inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan at hanging aabot sa 55km kada oras.
Una nang pinaalalahanan ng DILG ang mga maapektuhang lokal na pamahalaan na agad iactivate ang Oplan Listo Protocols.
Kabilang sa pinatitiyak na operational at kumikilos ang kani-kanilang Emergency Operations Center, pagtukoy sa mga posibleng evacuation centers at preemptive evacuation para sa mga naninirahan sa mga lugar na tinuturing na danger zones.

