Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suspendido ang pagpapatupad ng Expanded Vehicle Volume Reduction Scheme o mas kilala bilang Number Coding Scheme ngayong araw.
Ayon sa MMDA, ito ay matapos ideklara ng Malacañang na walang pasok ngayong araw sa mga paaralan gayundin sa mga tanggapan ng pamahalaan bunsod ng masamang panahong dala ng bagyong #MaymayPH at habagat.
Dahil dito, pinapayuhan ng MMDA ang mga motorista na mag-ingat at planuhing maigi ang kanilang biyahe upang maka-iwas sa anumang abala.