Agad na umalalay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng magkahiwalay na landslide at rockslide incidents sa lalawigan ng Benguet at Rizal.
Batay sa ulat, dalawang katao ang nasawi sa insidente sa La Trinidad, Benguet, matapos matabunan ng landslide ang isang kainan dulot ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan. May isa ring indibidwal na malubhang nasugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Nagpaabot na ang DSWD Field Office Cordillera Administrative Region ng ₱10,000 paunang financial assistance sa pamilya ng bawat nasawi at ₱5,000 naman sa nasugatan.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang DSWD sa Municipal Social Welfare and Development Office sa Rizal matapos masawi ang dalawang katao nang matangay ng malalaking bato ang ilang bahay sa Barangay Wawa dahil sa malakas na pag-ulan.
Nagpaabot na ng paunang food at non-food items at ₱10,000 cash assistance ang lokal na pamahalaan sa mga naulilang pamilya.
Ayon sa DSWD, hinihintay pa ang kumpletong incident report mula sa lokal na pamahalaan para maendorso ang mga apektadong pamilya para sa karagdagang assistance sa ilalim ng AICS.
📸 DSWD

