Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na mananatiling suspendido ang inaprubahan nilang ₱2 taas-pasahe sa jeepney sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa halip, sinabi ng kalihim na daragdagan pa ng pamahalaan ang mga ipinaaabot nitong tulong para makaagapay sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon.
Sa pulong balitaan sa San Juan City kahapon, sinabi ni Lopez na maglalaan ang pamahalaan ng ₱1.5 bilyon para sa buwanang amortization para sa modernong Public Utility Vehicles (PUVs).
Katumbas ito aniya ng pagbibigay ₱20,000 kada buwan sa bawat hinuhulugang modern jeep unit ng mga transport group sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Tulong aniya itong pambayad sa buwanang amortization ng PUV units sa government finance institutions (GFIs) gaya ng Landbank, gayundin sa mga pribadong bangko.
Nakausap na rin ni Lopez si Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian para maisama na ang mga driver sa ₱2,000 UPLIFT Cash Assistance na ibinibigay ng pamahalaan bilang pandagdag sa araw-araw nilang gastusin.
Samantala, ipatutupad na ang ₱12/L fuel discount para sa mga jeepney at UV Express drivers para makatipid at madagdagan ang kita ng mga tsuper at operator simula August 15 na mas mataas sa naunang ₱10/L fuel discount na ipinatupad ng pamahalaan.
Ngayon, aabot na sa ₱1,800 kada linggo ang matitipid ng mga tsuper sa diesel, mas malaki ng ₱300 kumpara sa naunang diskwento na ₱10/L o ₱1,500 kada linggo.
Bukod sa mga inisyatibong nabanggit, naghanap pa ng ibang paraan ang DOTr para lalo pang madagdagan ang araw-araw na kita ng mga tsuper sa pamamasada gaya ng pag-waive ng toll ng mga provincial buses sa mga major tollways simula August 10.
Nakipag-usap din ang DOTr sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para palawigin ang pag-waive ng terminal fees ng mga PUVs hanggang matapos ang taon. Gayundin ang monthly terminal fee sa 86 na parking terminals ng SM malls sa buong bansa simula August 15.