Pinaigting na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na Undas sa ilalim ng “Oplan Kaluluwa 2026” upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Ayon kay BFP Spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo, nakatutok ang kanilang operasyon sa pagbabantay sa mga pampubliko at pribadong sementeryo, memorial parks, columbarium, pati na rin sa mga pangunahing terminal ng bus, paliparan, at pantalan kung saan inaasahan ang dagsa ng mga uuwi sa mga probinsya.
Ani Arroyo, naka-posisyon na ang mga fire truck at mga tauhan ng BFP sa mga estratehikong lugar at malalapit sa mga sementeryo upang magsilbing mabilis na responde sa anumang sakuna o sunog.
Masusi ring sinusuri ng BFP ang mga fire safety measure sa mga pampublikong lugar, pamilihan, at mga kainan malapit sa mga libingan upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa Fire Code of the Philippines.
Pinapaalalahanan ang publiko na bago umalis ng bahay para magtungo sa mga sementeryo o magbakasyon, siguraduhing nakapatay at nakatanggal sa saksakan ang electrical appliances, nakasara ang tangke ng LPG, at naka-lock nang maayos ang mga bintana at pintuan.
Hinikayat ang mga mamamayan na huwag iwang nakasindi ang mga kandila nang walang nagbabantay, gumamit ng matibay na lalagyan, at ilayo ito sa mga madaling masunog na materyales upang maiwasan ang pagsiklab ng sunog.
Hinimok din ng BFP ang publiko na maging mapagmatiyag at agad na iulat ang anumang insidente o emergency sa pamamagitan ng pagtawag sa 911 o sa mga lokal na numero ng BFP sa kani-kanilang komunidad para sa agarang pagtugon.