Photo courtesy | Shealah Craighead / The Trump White House Archived / National Archives and Records Administration (NARA)
Lumalabo ang posibilidad na magkita ngayong taon sina U.S. President Donald Trump at North Korean Supreme Leader Kim Jong Un, ayon sa mga opisyal ng Estados Unidos at South Korea.
Batay sa ulat ng Reuters, wala pang tugon ang Pyongyang sa mga panukalang muling buksan ang pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa.
Bagama’t bukas si President Trump sa pakikipag-usap nang walang paunang kondisyon, nananatiling maingat ang Pyongyang at maaaring igiit ang malalaking konsesyon, kabilang ang pagpapagaan ng mga internasyonal na parusa.
Umaasa naman Washington na maipagpapatuloy ang diplomatikong ugnayan sa North Korea ngunit nananatiling limitado ang palatandaan nang pag-usad ng negosasyon.
Dahil dito, nagiging alanganin ang posibilidad na magkita ang dalawang lider sa Nobiyembre kasabay ng summit ng Asia Pacific Economic Cooperation sa Shenzhen, China.
Matatandaang tatlong beses nang nagkita ang dalawang lider noong unang termino ni Trump.
Gayunman, nabigo ang kanilang mga pag-uusap na makabuo ng kongkretong kasunduan upang wakasan ang nuclear program ng North Korea.
Samantala, patuloy na umaasa ang mga opisyal sa posibilidad ng muling pag-uusap para sa kapayapaan sa Korean Peninsula.