Agad na naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang taxi driver at rehistradong may-ari ng sasakyan kaugnay ng reklamo ng umano’y labis na paniningil ng pamasahe sa isang dayuhang pasahero.
Sa viral post, sinubukan umanong singilin ng driver ng ₱2,000 ang pasahero para sa biyahe mula sa airport.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy na ng LTO ang driver at registered owner ng taxi. Lumabas din na expired ang rehistro ng sasakyan at may mga nakabinbing administrative case ang driver.
Dahil dito, iniutos na ng LTO ang pagsuko ng Driver’s License ng driver na isinailalim sa 90-araw na preventive suspension, habang inilagay naman sa alarm status ang taxi.
Inatasan din ang mga law enforcement officers na i-impound ang sasakyan sakaling maabutan itong bumibiyahe dahil sa expired na rehistro.