Nagbabala ang Manila City Government sa publiko kaugnay ng kondisyon ng hangin sa ilang bahagi ng lungsod ngayong Oktubre 3.
Batay sa Air Quality Update 9:00 ng umaga, tatlo sa limang air quality monitoring sensors ang nakapagtala ng fair level mula sa Air Quality Index, kabilang ang Anda Circle, Sta. Ana Hospital, at Rajah Sulayman Park.
Samantala, nakapagtala naman ng lebel na Unhealthy for Sensitive Groups sa lugar ng Puregold Tayuman at San Sebastian Residences.
Posibleng may kaugnayan umano ito sa thermal inversion, kung saan naiipon ang mas malamig na hangin malapit sa lupa habang nasa ibabaw nito ang mas mainit na hangin, na maaaring pumigil sa pag-angat at pagkalat ng mga pollutant.
Pinapayuhan ang mga may sakit sa paghinga, matatanda, bata, at buntis na limitahan ang matagal na pananatili sa labas, lalo na sa mga apektadong lugar. Patuloy namang minomonitor ng City Government of Manila ang air quality upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko.